Sa makulay at makinang na kaharian ng Prismara, bawat bata ay may natatanging anyo:
Lahat ay may ginintuang pinto sa kanilang dibdib, naghihintay na mabuksan at makita ang pagkakakilanlang nasa loob nito.
Ngunit naiiba si Aster — si Aster na litong-lito pa sa kanyang kinalalagyan.
Matapos umugong ang kampana ng kaharian, sumapit na ang oras ng pagkilala.
Sila’y ihinarap sa taong-bayan — mga saksi ng pinakahihintay na pagdiriwang.
At nang mabuksan na ang pusong naghihintay, sumigaw ang iba’t ibang kulay sa buong Prismara.
May mga pusong bughaw na tila alon sa dagat.
May mga pusong luntian na wari mo ay anyo ng kagubatan.
May mga pusong ginto ring kasing liwanag ng araw.
Walang pakundangang palakpak ang bumalot sa buong bayan. Nakabibingi ang hiyawan ng madla sa bawat pintong kusang bumubukas — mula sa mga kulay na madaling tanggapin dahil ito ang inaasahan.
Ngunit tawag-pansin ang batang si Aster.
Ang kaniyang pinto ay nanatiling nakasilid — nakasara at hindi handang magtanghal sa paningin ng iba.
“Anong kulay ang nasa puso mo?” tanong sa kaniya.
Ngumiti ng payak si Aster, “Hindi ko alam.”
Natahimik ang buong baryo, nagtataka sa inaasta ng batang sarado ang pinto ng puso.
“Baka nahihiya ka.”
“Natatakot ka ba?”
“May itinatago ka siguro.”
Lahat ng tanong at usisa ng madla ay sinagot niya lamang ng iling.
Kasabay nito ay ang pag-angat ng kanyang tingin sa kalangitang maningning.
At sa unang pagkakataon, siya naman ang nagtanong ng bagay na walang sinuman ang nakaisip na pansinin.
“Kung ang araw ay hindi humihingi ng pahintulot tuwing sumisikat, bakit kailangan kong magpaliwanag?
Kung ang mga kagubatan ay kusang umuusbong at nagiging luntian, bakit ang kulay ko ay kailangan may patunguhan?
Kung ang bughaw na dagat ay hindi hinihingi ang lalim, bakit kinakailangan niyong sukatin kung sino ako?”
Natahimik ang buong Prismara. Ngayon lang sila nakakita ng batang hindi balisa na wala siyang pagkakakilanlan.
Sa unang pagkakataon, hindi kulay ang kanilang nakita, kundi isang katotohanang matagal nang nakakubli sa likod ng mga gintong pinto.
Napagtanto nila: hindi lahat ng puso ay handang magbukas sa parehong panahon.
At hindi lahat ng liwanag ay kailangang ipakita o makita upang patunayang ito ay naroon.
Naging klaro sa kanila na ang pagkakakilanlan ay hindi isang paliwanag na utang sa kaharian — bukas man o sarado ang pinto ng kanilang puso.
Sa makulay at maliwanag na baryo ng Prismara, naglakad palayo si Aster bitbit ang payak niyang ngiti.
Sarado man ang dibdib, wala mang kulay na sumilip, sapat nang kilala niya ang kanyang sarili.




