Sa patuloy na paghagupit ng Habagat, hindi lamang baha at panganib sa kaligtasan ang kinakaharap ng mga estudyante. Kasabay nito ang pangamba kung maaasahan ba ang mga institusyong dapat unang mangalaga sa kanila, lalo na sa panahong higit na kinakailangan ang kanilang malasakit at konsiderasyon.
Habang sunod-sunod ang pagsuspinde ng klase sa mga munisipalidad at lungsod ng Pampanga, nananatili namang nagbabalik-balik ang pananagutan sa pagitan ng Angeles City Local Government Unit (AC LGU) at Holy Angel University (HAU): ang una’y nagsasabing may karapatan ang mga paaralan na magkansela, habang ang huli’y naghihintay sa anunsyo ng pamahalaan.
Kapag ang suspensyon ng klase ay nauuwi sa usapin ng hurisdiksyon at proseso sa halip na agarang pagtugon sa panganib, ang pag-aalinlangan ng mga institusyon ay nagiging pasaning sadyang ipinapasa sa estudyante.
Sa bisa ng Department of Education (DepEd) Order No. 022, s. 2024 — na naka-pin mismo sa Facebook page ng AC LGU — may kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na magsuspinde ng klase base sa “actual conditions” ng isang lugar tuwing nasa ilalim ito ng yellow rainfall warning.
Ngunit sa kabila nito, nanatiling walang suspensyon mula sa lokal na pamahalaan, lalo na noong Agosto 10, nang ang Angeles City na lamang ang tanging lugar sa Pampanga na tuloy ang pagpasok.
Ang katuwiran ng pamahalaan, na pilit pinatitingkad sa kanilang mga “situational update” at drone shots ng mga piling lugar, ay simple: mataas ang lupa sa AC at hindi ito binabaha gaya ng ibang lugar.
Ngunit hindi lamang sa lungsod nagmumula ang mga estudyanteng nag-aaral dito. Hindi kayang makita ng pagroronda at mga kuha mula sa himpapawid ang bigat na pasan nila — ang pag-iisip kung paano makararating sa silid-aralan nang hindi basang-basa, kung paano iiwasang magkasakit upang makahabol sa mga aktibidad, at kung paano haharap sa panganib na higit na nararamdaman sa daan kaysa sa loob ng paaralan.
Ito ang pasaning dapat ay higit na alam at nararamdaman ng mga paaralan.
Noong Hulyo 7 ng nakaraang taon, ginawaran ni AC Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang mga pamantasan sa AC — kabilang na ang HAU — ng awtonomiya na magkansela ng klase nang hindi dumidepende sa anunsyo ng LGU.
Salungat dito ang sagot ng HAU, na nagsabing “duty-bound” ang pamantasan na sumunod sa “judicious” o matalinong pagpapasya ng lokal na pamahalaan — kaya’t hindi na nito kailangan pang kusang-loob na magsuspinde.
Ito na rin marahil ang dahilan na sa halip na gamitin ang “autonomous” nitong lagay at patunayan na may “compassion” ito sa mga estudyante, palaging uniform at footwear leniency lamang ang iginagawad nito sa Angelites.
Lalong nagiging kapuna-puna ang kawalan ng aksyon ng dalawang institusyon sapagkat hindi naman nagkulang ang mga mag-aaral na ipabatid ang kanilang kalagayan.
Sa tuwing walang paramdam ang pamahalaan sa kabila ng matinding buhos ng ulan, umaabot ng mahigit sa isang libong comments ang mga post ng Angeles City Information Office. Hindi pa kasama rito ang mga posts at private messages sa page na humihingi ng konting konsiderasyon.
Noong ika-10 ng Agosto, naghain din ng apela ang HAU – University Student Council (HAU-USC) sa pamunuan ng HAU kung saan kanilang inilapit ang kalagayan ng mga Angelite. Ayon sa sarbey na sinagutan ng halos 3,700 na mag-aaral, 32.40% ay nasa-stranded kapag malakas ang ulan at 44.86% ay pumapasok kahit nakadadama ng panganib dala ng masamang panahon.
Sa mas bagong tala na ipinabatid ng HAU-USC sa The Angelite noong August 12, lumalabas na dalawa sa bawat tatlong estudyante ang umaasa sa pampublikong transportasyon, habang mahigit siyam sa bawat sampu ang nagsabing nakaaapekto ang masamang panahon sa kanilang kakayahang bumiyahe patungo sa pamantasan.
Dagdag pa rito, halos 98% ng mga estudyante ang sumang-ayon na dapat isaalang-alang ang kanilang accessibility sa pamantasan sa mga desisyon hinggil sa suspensyon ng klase o pagbabago sa akademikong gawain. Samantala, humigit-kumulang 97% ang naniniwalang dapat ding isaalang-alang ang kanilang kalagayan sa tahanan at mabigyan sila ng higit na kakayahang umangkop sa mga gawaing akademiko.
Dahil dito, umapela ang HAU-USC na isuspinde ang klase at bigyan ng konsiderasyon ang mga Angelite. Nang tugunan ito ng unibersidad, malinaw ang pag-iwas ng pamunuan. Muli, sinaad nito na magpapatuloy ang paaralan sa pagsunod sa anunsyo ng gobyerno.
Ginawa na ng mga estudyante ang lahat ng posibleng paraan upang maiparating sa pamunuan ang kanilang kalagayan. Ngunit kung ang tumatanggap ng kanilang hinaing ay walang sariling pagpapasya, wala na itong ibang mapupuntahan.
Sa huli, pasan pa rin ng mga estudyante ang bigat na sana’y napagaan sa pamamagitan lamang ng isang desisyong may puso at konsiderasyon.
Hindi lamang pagsususpinde ang hiniling ng HAU-USC. Kasama na rito ang pagbibigay panahon sa mga deadline ng mga pang-akademikong requirement at paglipat ng midterm examination week — na gaganapin sa Agosto 26 hanggang 29 — sa ibang petsa.
Hayagan itong tinanggihan ng HAU sa kadahilanang kinakailangang sundin ang nakapirming 18-linggong akademikong kalendaryo ng kolehiyo, alinsunod umano sa mga alituntunin ng Commission on Higher Education (CHED).
Dagdag pa nito, ang paglipat ng examination week ay makaapekto sa “remaining instructional weeks and other scheduled academic activities.”
Ngunit sa pagtutok sa mga natitirang linggo at nakatakdang gawain, tila nakaligtaan ng administrasyon ang higit na mahalagang tanong: nagkaroon nga ba ng sapat na panahon ang mga mag-aaral upang mapag-aralan ang mga araling ngayo’y kailangang sukatin?
Kung ang hangarin ng pagsusulit ay masukat ang tunay na natutuhan ng mga mag-aaral, walang katuturan ang pagpipilit sa orihinal na iskedyul kung ang mga araw na nakalaan sa pagkatuto ay inagaw ng ilang linggong bagyo.
Ang mga alituntunin ay nilikha upang magsilbi sa tao. Kapag ang mahigpit na pagsunod sa nakasulat ay nauuwi sa pagsasawalang-bahala sa aktuwal na kalagayan ng mga estudyante, nawawala ang mismong layuning dapat nitong pinangangalagaan.
Napakasimple lamang ng hinihingi ng mga Angelite: puso, pag-unawa, at pagmamalasakit.
Pusong makita ang hinaing ng mga estudyante bilang panawagan para sa konsiderasyon, hindi bilang pagnanais na umiwas sa klase. Pag-unawang hindi magkakapareho ang kalagayan ng bawat tahanan, lalo na ng mga estudyanteng nagmumula pa sa malalayong lugar at nakikipagsapalaran sa pagpunta sa AC. At pagmamalasakit na kayang ilagay ang sarili sa kalagayan ng mga mag-aaral — malayo sa bulag na pagsunod sa mga papel at patakarang, sa pagkakataong ito, ay hindi na nagsisilbi sa mga taong dapat nitong pinoprotektahan.
Dahil dito, mahalagang maglatag ang AC LGU ng malinaw at maagap na pamantayan para sa pagsususpinde ng klase, lalo na sa panahon ng matinding pag-ulan, pagbaha, at iba pang panganib. Hindi sapat na nakabatay lamang sa kondisyon ng sentro ng lungsod ang mga desisyon; dapat ding isaalang-alang ang kalagayan ng mga komunidad at pangunahing rutang dinaraanan ng mga mamamayan, gayundin ang mga ulat at hinaing na nagmumula sa mga apektado.
Mahalaga ring gamitin ng administrasyon ng HAU ang sariling pagpapasya sa halip na hintayin ang tahasang direktiba bago kumilos. Dapat seryosong isaalang-alang ang mga panawagan ng HAU-USC at suriin ang kalendaryong pang-akademiko na naaapektuhan ng mga pagkaantala. Kung may mga panuntunan mula sa CHED na naglilimita sa makatuwirang konsiderasyong pang-akademiko, nararapat itong linawin at pag-usapan sa halip na ituring na hindi na maaaring baguhin.
Sa huli, ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante ay hindi dapat manatili sa mga pahayag lamang. Kailangang makita ito sa bilis ng pagtugon, sa paraan ng pagdedesisyon, at sa kahandaang kilalanin ang aktuwal na kalagayan ng mga apektado.
Hindi kinakailangang lumusong muna sa baha ang mga estudyante bago kilalanin ng mga institusyon na nalulunod na sila sa bunga ng kawalang-konsiderasyon. Higit sa bulag na pagsunod sa mga panuntunan at teknikalidad, hinihingi ng tunay na paglilingkod ang kakayahang umunawa, kumilala, at kumilos ayon sa kapakanan ng kanilang mga pinaglilingkuran.





