Tunay ngang isang makulay at walang katapusang sining ang mundo ng pelikula — isang espasyong patuloy na naghuhubog sa pangarap ng mga Pilipino.
Sa kabila ng mga naglalakihang studio at produksyon sa bansa, patuloy na nagniningning ang diwa ng pelikulang Pilipino dahil sa mga bagong boses na nagsisimula mula sa ibaba.
Para sa Bachelor of Arts (BA) in Communication Angelites, ang matagumpay nilang pagdaraos sa IntFILM SHORTS 2026: Gala Premiere ang simula ng pagkislap.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng programa sa HAU, nailabas mula sa silid aralan at naidala sa malaking screen ng Marquee Mall Cinema ang mga pinaghirapang short film noong ika-30 ng Abril.
Tampok dito ang tatlong pelikulang nagpamalas ng iba’t ibang karanasan ng mga Pilipino.
Sa pangunguna ng “Kung Mananatili…” ng Alaya Films, nakita ang hangganan ng pagtitiis ng isang pusong nagmamahal at ang katotohanang may mga pag-ibig na nananatiling nakakulong sa mga alaala.
Naghatid naman ng kakaibang timpla ang Auralis Films sa kanilang pelikulang “Ang Natatanging Gay Virgin ng Bagong Henerasyon,” kung saan mas lalo nitong niyakap ang tradisyonal na imahe ng mga bakla upang ipakita ang ebolusyon ng kanilang pagkakakilanlan sa ilalim ng makabagong lipunan.
Bilang pagtatapos, binalot naman ng pait at tamis ng Arteria Films ang sinehan sa “Tatlong Anak, Isang Bubong,” na ipinakilala ang tatlong magkakapatid na pilit hinaharap ang mga alaala at bigat ng isang tahanang tila hindi sila kayang pakawalan.
Kung Mananatili…
★ ★ ★ ½
may kalalagyan din kayong mga avoidant
Ika nga ng pelikula, napapagod din ang mga puso.
Anumang lalim ng samahan o tamis ng pinagmulan, tila hindi na maiiwasan ang pagdating sa puntong puro bigat at pagod na lamang ang natitirang dahilan upang manatili.
Isang sariwang atake na simulan ang pelikula sa pananaw ng lalaking bida. Sa pagbubukas nito, agad tayong ipinasok sa mabigat at madamdaming mundo ni Elijah.
Mula sa kanyang miserableng kalagayan matapos ang hiwalayan nila ng babaeng bidang si Ariya, unti-unting hinabi ng pelikula ang naratibo sa pamamagitan ng kanyang mga alaala.
Sa mga unang sandali ng Kung Mananatili — kung saan ipinakita ang maliligayang alaala nilang dalawa — mapapaisip ka kung ano nga ba ang naging problema. Ano ang tunay na dahilan, at bakit kinailangang humantong ang lahat sa hiwalayan?
Inilapit muna tayo ng pelikula sa isang lalaking kumbinsidong naibigay naman niya ang lahat. Ngunit habang lumalalim ang kuwento, unti-unti nating nakikita ang mga naratibong nagbibigay pokus kay Ariya.
Banayad na ipinakita ang pagiging avoidant ni Ariya. Hindi mo ito agad mapapansin kung hindi mo papanoorin nang maigi ang kanyang mga simpleng ekspresyon, o kaya naman ay kung paano siya tumugon noong pinag-uusapan nila ang kinasal nilang kaibigan.
Sa puntong ito, dahan-dahang ipinakilala ng pelikula ang hidwaan ng magkasintahan. Naroon ang pagkahuli ni Elijah sa kanilang unang anniversary date, ang paglayo ng loob ni Ariya, ang pag-ooverthink ni Elijah nang maramdaman ang paglayo nito, ang hindi niya pag-intindi sa mga nararamdaman ng babae.
At ang pinakahuling patak na tuluyang pumatid sa pasensya ni Ariya: ang hindi niya pagsipot sa mahalagang hapunan kasama ang pamilya nito sa kadahilanang may pinagawa ang kanyang boss sa trabaho.
Dito nanghina ang pelikula — nagkulang ito sa pagbibigay ng mas malinaw na sentro ng kanilang hiwalayan. Naging malabo kung saan ba talaga dapat humugot ng bigat ang kuwento.
Kaya’t nang dumating na ang kasukdulan ng Kung Mananatili, nagmistulang kulang sa lalim ang kanilang sagutan dahil ang mga karakter ay hindi lubusang nahubog sa paningin ng manonood.
May intensyon ang emosyon sa bawat eksena, pero kung nabigyan pa sana ito ng sapat na oras upang kilalanin ang mga karakter sa labas ng kanilang relasyon, magagawa nitong palawakin pa lalo ang pundasyon ng kuwento.
Tila nalunod din ang pelikula sa mga filler scenes na hindi gaanong nakapag-ambag sa emotional buildup nito. Katulad na lamang ng eksena ng road trip nila o kaya naman ang pag-inom ni Elijah; bagama’t maganda ang pagkakakuha, wala itong gaanong naidalang bigat o bagong impormasyon tungkol sa kanyang pagkatao.
Hindi natin nasilip kung sino ba talaga si Elijah sa labas ng pighating ito, kaya naging mababaw ang pagkakakilala natin sa kaniya.
Nag-iwan din ng malaking katanungan ang mismong pamagat na “Kung Mananatili…” Nagtapos ang pelikula sa isang open ending kung saan hindi malinaw kung nagkabalikan ba ang dalawa.
Marahil ay doon dapat papasok ang diwa ng pamagat ngunit mahirap itong pangatawanan dahil tila walang sapat na character development na naganap kina Elijah at Ariya — o kung mayroon man, hindi ito gaanong naipakita.
Naging malabo ang pag-execute sa ideyang ito kaya’t ang pangako ng pamagat ay hindi lubusang naramdaman sa kabuuan ng naratibo.
Sa kabila nito, hindi maipagkakaila ang galing ng biswal ng pelikula. Ang color grading na nagsilbing gabay sa emosyon ng mga manonood pati na rin ang linis at husay ng bawat anggulo at bawat frame na maingat na binuo upang makapagdala ng emosyon.
Dito naipakita ng pelikula ang lakas ng bawat imahe na siyang mismong nagsalita para sa mga bahaging hindi kayang punan ng script.
Marahil ay bahagi na rin ng kung anong nangyari sa Kung Mananatili ang taas ng sarili nating ekspektasyon sa pelikula. Sa dami ng napanood na nating kuwentong pag-ibig, sa sinehan man o sa totoong buhay, likas na sa atin ang maghanap ng panibago, ng mas malalim, ng mas masakit.
Ngunit maaaring iyon na nga ang gustong iparating ng Alaya Films — ang realidad na hindi lang black and white ang mga relasyon, at ang katotohanang hindi sapat ang pagmamahal kung hindi ito nabibigyan ng sapat na sikap at pag-unawa.
Ang Natatanging Gay Virgin ng Bagong Henerasyon
★ ★ ½
lito atienza taking notes rn
Ang bakla, sa mga pelikula, kung hindi comedic relief, ipinipinta naman bilang mahayok, bastos, o uhaw sa lalaki.
Nariyan na si Vice Ganda, sa karakter niya sa “Praybeyt Benjamin” na dikit na dikit kay Derek Ramsay at Richard Yap, o kaya naman sa “This Guy’s in Love with U Mare!” kung saan may ‘di mamatay-matay siyang obsesyon kay Luis Manzano.
‘Pag may bakla, kailangan may lalaking pagdedebotohan siya ng kaniyang pag-ibig.
Hindi tumiwalag ang Gay Virgin sa imaheng iyon — niyakap nito lalo at dinala sa lente ng kasalukuyang panahon, kung saan halos online na ang interaksyon ng mga kabataan.
Kung tutuusin, maganda naman ang ideya ng pelikula na magrebelde at maging unapologetic sa imaheng iyon. Dahil itinuturing sila bilang ganoon sapagkat totoo sila — hindi nagpapatapak sa anumang standard na dapat sila’y mahinhin o magalang upang matanggap ng lipunan.
Mahalay ang mga bakla dahil hindi sila mapagpanggap at winiwika nila ang mga bagay at gawain na hindi natin masabi o maamin sa ating mga sarili.
Maganda nga sana, kung hindi lang din napasobra ang pelikula sa pagpapakita ng pagiging “mahalay” nito, kung saan nagsilbi na lamang itong pag-ayon sa stereotype sa halip na bawiin nito ang gano’ng pananaw.
Tila naging one-dimensional na lamang ang pagiging sex-inclined ng mga bading na hindi na ito nabigyan pa ng karampatang lalim.
Sa pagbibigay-diin naman nito sa kasalukuyang estado ng romantic at sexual na mga relasyon, maganda ang pagpapakita ng Gay Virgin sa ebolusyon ng mga bakla noon at ngayon gamit ang mga karakter nina Terry at Kim — ang dalawang nanay-nanayan ng bidang si Alex.
Si Terry, bilang “sinaunang” bakla, na lumaki sa panahong sinasabi nga niyang “organic” pa ang meet-ups dahil hindi pa uso ang mga dating apps gaya ng Grindr, at si Kim, na nakikinabang sa aksesibilidad ng komunikasyon sa kasalukuyang panahon.
Naging kritikal sa progresyon ng kwento ang magkasalungat nilang mga pananaw tuwing nagbabangayan sila sa sitwasyon ni Alex dahil naipapakita kung papaanong mas naging maingat at tumaas ang standards ng mga bading sa panahon ngayon na mas nakilala nila na may karapatan silang pumili at hindi basta-basta lang diktahan ng lipunan.
Sa sobrang pagkaaliw sa kanilang mga karakter, nagmukhang mas naging kaabang-abang pa ang mga eksena nila kaysa sa kina Alex at Joe. Ang natatanging problema lang ay tila nahirapan ang script na pagulungin pa ang kuwento, sapagkat nakapagtatakang nagtagal sila Terry at Kim sa pag-amin na naging hook-up din nila si Joe noon.
Dahil kung alam naman pala nilang maraming “red flags” si Joe — ika nga ni Kim — bakit hindi nila agad sinabihan si Alex at hinayaan pa nilang mas lumalim ang relasyon nila?
Maaaring nahihiya silang sabihin iyon o natatakot silang masira ang kauna-unahang relasyon ni Alex, ngunit hindi naipakita nang malinaw ng pelikula ang rason nila.
Sa kabila nito, malinaw ang isang bagay: nakakatawa ang pelikula. Saksi na rito ang panaka-nakang tawa ng madla sa sinehan nang humantong na ito sa kasukdulan, kung saan ilang beses nagpanggap bilang iba’t ibang tauhan sina Kim at Terry.
Nagtagumpay ang pelikula na hanapin ang kiliti ng mga manonood, lalo na’t hindi nila inaasahan ang ginawa ng dalawa mapurnada lang ang dapat na sanang unang “karanasan” ni Alex.
Oo, maaaring sabihin na masyadong mababaw ang pagtugon ng pelikula sa usapin ng ilegal na pagrerecord sa pribadong pagtatalik — bagay na napapanahon ngayon sa mga nagsusulputang scandals — lalo na’t isa itong krimen na sumisira ng dignidad, ngunit sa punto ng pelikula kung saan dapat itong maging seryoso, inamin nitong wala itong planong mas lumalim pa.
Hindi pinilit nina Terry at Kim na pigilan ang dalawa, at noong una’y hindi rin naman pinigilan ni Alex si Joe kahit na halata sa mukha niyang hindi niya ito talagang gustong mangyari.
Pilit mang panagutin ang Gay Virgin dahil sa kababawan nito sa pagtalakay sa tema ng identidad at kaligtasang seksuwal, idadahilan lamang ng pelikula na hindi nito gaanong sineryoso ang sarili at hindi rin ganoon katayog ang pangarap nito sa nais nitong iparating na mensahe.
Maiksi lamang ang kuwento, simple lamang ang mga karakter, at mabilis na nag-impake ang pelikula tungo sa resolusyon — tila ba isang kabanata ng mga segment na Wish Ko Lang o Magpakailanman.
Kaya naman sa tatlong pelikula, masasabing ang Gay Virgin lamang ang nakapaglahad at nakapagtapos ng isang buong kuwento — kulang man ito sa lalim. Inalala ng pelikula na maikli lamang ang oras na mayroon ito upang kumpletuhin ang isang istorya, kaya’t minabuti nitong huwag itong masyadong palawakin.
Isa itong matalinong hakbang, ngunit dahil dito, nasayang ang pagkakataon na mas bigyan ng radikal na representasyon ang mga bakla maliban sa simpleng pagpapatawa lang — bagay na nakita naman nating naisakatuparan ng mga pelikula ni Vice kahit na nakasentro sa komedya.
Palaisipan din kung creative choice ba ang paggamit ng fade in at fade out na transition style sa bawat eksena kasama ng camera work at sound quality na masasabing mapagbubuti pa.
Sa huli, nakatutuwang makita ang patuloy na representasyon ng mga bading lalo na at nanggagaling ito sa isang predominantly Catholic na pamantasan at bansa.
Patuloy na hinahamon ng Gay Virgin ang mga pananaw sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community — at sana’y sa susunod na mga gawang short film ay mas lalong magtagumpay ang mga kagaya nito.
Tatlong Anak, Isang Bubong
★ ★ ★ ½
pano niyo po napaihi yung aso
Sentral na sa ating mga Pilipino ang mga pelikulang pampamilya. Nariyan na ang mga pinakamamahal na Tanging Yaman (2000), Ang Tanging Ina (2003), Four Sisters and a Wedding (2013), at Seven Sundays (2017).
Patok na patok ang ganitong mga tema sa masa dahil repleksyon sila ng kulturang Pilipino na itinuturing ang pamilya bilang pundasyon ng lahat. Binibigyan din nila ng pagkakataon ang mga manonood na humarap at magkaroon ng ugnayan sa mga problema at isyu sa pamilya na, sa kultura rin ng mga Pilipino, ay pahirapang mapag-usapan.
Ito ang linyang binagtas ng pinakahuling pelikula ng IntFilm 2026 — ang Tatlong Anak, Isang Bubong.
Bago pa magsimula ang mismong kuwento, nararapat lang na bigyang-diin kung gaano kaganda ang sinematograpiya ng pelikula. Dahil dito, magaling na naitatag agad ng Tatlong Anak ang mga emosyon na siyang humila sa mga manonood sa mismong kuwento.
Tila ba tayo ang babalik sa lumang bahay na hindi nagsilbing tahanan sa atin, kung hindi pugad lamang ng mga masasalimuot na alaala.
Dagdag pang nagsimula ang pelikula sa tawag ni Mateo, ang panganay sa magkakapatid, sa kanyang kapatid na si Ana tungkol sa planong pagbebenta ng kanilang lumang tahanan.
Dito pa lang ay makikita mo na ang talas ng direksyon at ang intensyon ng bawat kuha. Ang close-up shot sa mukha ni Ana habang rinig ang boses ni Mateo sa background — kung saan makikita mo ang lalim ng kanyang pag-iisip at ang tila muling pagkabuhay ng mga alaalang matagal nang nakabaon.
Maging nung ipinakita ang tatlong batang dumaan sa unang bahagi ng pelikula na nagsilbing sulyap sa kanilang kamusmusan.
O kaya ang isa pang kapansin-pansing kuha sa loob ng sasakyan ni Mateo na nakatutok sa krus upang ipahiwatig ang muling pagbabalik niya sa seminaryo.
Hindi rin matatawaran ang kakaibang horror vibes ng iilang eksena sa pelikula. Bagama’t pampamilyang drama ang genre nito, may mga sandaling tila nagmumulto ang mismong bahay sa magkakapatid — marahil isang paraan ng pelikula upang ipakita kung paano sila patuloy na iginagapos ng nakaraan.
Gayunpaman, tila may kahinaan ang pelikula pagdating sa pundasyon ng mga karakter. Maaaring isang creative choice ang hindi nito paggamit ng flashback, ngunit mistulang ito rin ang naging dahilan kaya nahirapan ang mga manonood na kumonekta sa kanila.
Dahil upang lubos na maunawaan ang bigat na dala ng mga karakter, kailangang maintindihan muna ng mga manonood ang lalim ng kanilang pagkatao.
Anong klaseng sugat at karanasan ba ang inihatid sa kanila ng lumang bahay? Paano sila hinubog ng mga pangyayaring ito — bilang indibidwal na tao at bilang kapatid?
Ang mga bagay na ito ang nagpahirap sa pelikula na makakuha ng simpatiya mula sa mga manonood.
Kaya’t parang nakabibigla ang naging transition sa komprontasyon ng tatlo — nagkulang sa emotional buildup para ihanda ang mga manonood — at tila ginamit na lamang ito upang mapadali ang pagkukuwento ng nakaraan. Nakaligtaan yata ng Tatlong Anak ang gintong patakaran sa mga kuwento: show, don’t tell.
Dahil tuloy rito, nagmumukhang wala itong ibang paraan at kakayahan na pag-usapan ang nakaraan maliban sa pagsasagutan ng magkakapatid. Kaya nang nagtapos ang pelikula, bagama’t naisalba man ito ulit ng sinematograpiya, naiwan ang mga manonood na gutom pa sa karakter ng tatlo.
Sa kabila nito, nananatiling makabuluhan at malapit sa puso nating mga Pilipino ang aral ng Tatlong Anak: ang pamilya, anumang anyo — pamilya man sa mga kapatid, sa mga pinsan, kaibigan, kaklase, o katrabaho — ang pundasyon ng ating pagkatao. Sila ang tunay na tahanan natin. Hindi ang bubong, hindi ang mga alaalang pinipigilan tayong sumulong.
Sa Ngalan ng Sining
Higit pa sa kanilang course requirements at grado ang tagumpay ng IntFILM SHORTS 2026 — ito ay nagsilbing prologo ng isa pang mas malaking kuwento.
Ang mga pangarap na dati’y mga silid-aralan at auditorium ng unibersidad lamang ang nakapanonood ay ngayong buong tapang na sumigaw sa harap ng madla, dala ang bigat ng ating kultura at ang lalim ng ating karanasan bilang mga Pilipino.
Sa bawat anggulo at bawat linyang binitawan nina Elijah, Ariya, Alex, Terry, Kim, Mateo, Ana, Lila, at ng iba pang mga karakter, nasilayan natin ang kakaibang galing at husay ng mga BA Communication Angelites.
Hindi malayong isipin na sa loob ng tatlo o lima o sampung taon, ang mga pangalan sa screen ng mall noong ika-30 ng Abril ay sila ring mga pangalang magpapanatili sa ningning ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Sila ang ating mga susunod na henerasyon ng filmmakers, at ito ang kanilang unang hakbang.
Kaya sa ngalan ng pag-ibig, kabaklaan, pamilya, at higit sa lahat, ng sining, patuloy nating itawid ang mga pangarap na ito — mula sa maliit na screen patungo sa ginintuang kinabukasan.




