Para iwas Martial Law — iwas malas ngayong year 2026 hanapin ang iyong matching horoscope:
1972 – Year of the Rat: Bangsamoro people
Madiskarte at malinis ngunit simpleng peste lamang ang tingin sa kanila ng militar; duguan, inubos, sinunog nang isa-isa, at nilipol ang isang libong tauhan
1973 – Year of the Ox: Liliosa Hilao
Masipag at mapagkakatiwalaan sa hardin, pero kapag umalsa at lumaban sa opresyon, sugat-sugat, sigarilyo, at panggagahasa ang aabutin
1974 – Year of the Tiger: Etta Rosales
Malakas ang dagundong, lalo na kapag nakakulong sa isang torture chamber at tinutuluan ng nakapapasong kandila at nilulunod sa tubig, sigaw niya: Huwag niyo ‘kong kalilimutan!
1975 – Year of the Rabbit: William Begg
Maliksi, matalino’t mapagmahal na bayaning doktor, nagsakripisyo para sa mga pasyente, mabilis ding binaril nang walang awa; puti ang balahibo dahil namatay sa mga lilang bugbog-sarado
1976 – Year of the Dragon: Satur Ocampo
Mailap at ‘di nakikita ng pamilya, ‘yun pala’y nakakulong na sa kuweba ng mga militar nang siyam na taon; pinalo sa ulo, dibdib at tiyan, kinuryente ang ari
1977 – Year of the Snake: Archimedes Trajano
Matinik, maalam, at mapangkuwestiyon sa diktadura; piniring ang kaliskis kinabukasan bilang kapalit; binugbog na tila walang buto
1978 – Year of the Horse: Neri Colmanares
Magilas, masayahin; ginawang katuwaan ng mga sundalo — binugbog, kinuryente, sinalpakan ng malamig na revolver sa bibig, hinihintay kung kailan puputok ang nag-iisang bala
1979 – Year of the Goat: Bonifacio Ilagan
Maamo’t matamis ang boses kung isigaw ang katotohanan, hanggang ibitin ka sa hangin nang nakabaliktad; hanggang bugbugin, suntukin, at humiyaw ka nang walang tinig, nang walang tamis
1980 – Year of the Monkey: Resteta Fernandez
Matalino, mautak, suki sa mga debate; maawain sa mga mahihirap; inarestong hindi parang unggoy na hayop — pinugutan ng ulo; ito ba ang tropeo ng paglaban sa maninikil?
1981 – Year of the Rooster: Marela Yanay
Kritikal mag-isip at mapagmatyag; sa edad na walo, nagawang magpanggap na patay sa bukid habang kinakatay sa bala ang kanyang ina, kapatid, at 45 pang kasama
1982 – Year of the Dog: Bulacan Martyrs
Matapat at palaban, lalo na para sa karapatang pantao, biglaan nawawala at natagpuan na lamang ng pamilyang may bala sa katawan
1983 – Year of the Pig: Hilda Narciso
Mabait at dalisay ang puso; walang sawang ginahasa at binaboy sa kulungan nang dalawang araw, ginutom, pinaglaruan, at mabuti na lamang ay nakawala
Napuno na ang labindalawang hayop at natapos na ang siklo, ngunit nakalugmok pa rin sa kamalasan ang mamamayang Pilipino at naliligo pa rin sa suwerte ang anak ng mamamatay-tao.




